Paano Iingatan Ang Balota sa Araw ng Botohan?
Bagamat ay nasa papel, ito ay may malakas na tinig. Daig pa ang baril at walang tumbas ng pera, ang isang tinta sa balota na siyang tunay na sandata ng isang mamamayan sa pagbabago.
Sa araw ng halalan, ang boto mo ay siyang tinig mo. At ang tinig na iyan, kapag napinsala, ay kaakibat ng kawalan nito sa bilang. Kapag ang balota mo’y nabura, nasira, o nagamit nang mali; ang kinabukasan mo’y tahimik na inalisan ng saysay.
Kaya sa gitna ng tensyon, ingay, at maduming pamumulitika, manindigan ka. Protektahan mo ang iyong balota. Dahil sa likod ng bawat paglilim sa isang parihaba, may kinabukasang nakataya. Kinabukasan para sa iyo, sa pamilya mo, at sa bansang ito.
Narito Ang Mga Paraan Para Protektahan ang Balota:
1. Basahing mabuti ang mga tagubilin sa balota.
- Bago markahan ang balota, unawain muna ang tamang paraan ng pagboto. Bawat posisyon ay may limitadong bilang ng kandidatong maaaring piliin. Iwasan ang over-voting o pagpili ng higit sa dapat.
2. Gumamit lamang ng opisyal na marking pen.
- Ibigay ng Board of Election Inspectors (BEI) ang tamang pen para sa shading. Huwag gumamit ng sariling ballpen, lapis, o marker na hindi inaprubahan ng Comelec.
3. I-shade nang buo at maayos ang oval.
- Siguraduhing buo at malinaw ang pagmarka. Huwag gumamit ng check, X, o kahit anong simbolo. Mali ang kahit bahagyang shading.
4. Huwag tiklupin, punitin, o sirain ang balota.
- Ang nasirang balota ay maaaring hindi tanggapin ng Vote Counting Machine (VCM). Kapag nasira ito, agad na ipagbigay-alam sa BEI para mapalitan.
5. Huwag kuhanan ng litrato ang balota.
- Bawal ang pagkuha ng larawan ng balota at anumang uri ng “vote selfie.” Ito ay labag sa batas at may kaakibat na kaparusahan.
6. Panatilihin ang pagiging lihim ng iyong boto.
- Iwasang ipakita o ipahayag kung sino ang iyong ibinoto. Ang pagboto ay dapat pribado at malaya mula sa pamimilit.
7. Ipasok ang balota sa VCM nang ikaw mismo.
- Pagkatapos bumoto, ikaw ang may karapatang magpasok ng iyong balota sa makina. Huwag ipahawak o ipaubaya ito sa iba, maliban kung kailangan mo ng asistensya.
8. Suriin ang resibo ng iyong boto.
- Pagkatapos mong ipasok ang balota, maglalabas ng resibo ang VCM. Siguraduhing tugma ito sa iyong mga pinili. Ilagay ang resibo sa tamang lagayan—hindi ito dapat iuwi.
Mga Dapat at Hindi Dapat Dalhin sa Araw ng Halalan
Dapat Dalhin:
- Valid ID – Tulad ng voter’s ID, passport, driver’s license, UMID, o anumang government-issued ID.
- Kopya ng listahan ng kandidato (sample ballot) – Para mabilis at maayos ang pagboto.
- Alcohol at face mask – Kung may mga lugar pa ring may health protocols.
- Inuming tubig at meryenda – Lalo na kung inaasahan ang mahabang pila.
- Pasensya at disiplina – Handa ka dapat sa kahit anong abala o delay sa proseso.
Hindi Dapat Dalhin:
- Materyales sa Kampanya – Bawal ang magsuot, magbitbit, o magbigay ng kahit anong may pangalan ng kandidato sa loob o paligid ng presinto.
- Cellphone (habang bumoboto) – Bawal gamitin para kumuha ng larawan o video sa loob ng voting area.
- Ballpen o ibang panulat – Hindi pinapayagan ang sariling panulat para maiwasan ang invalid na balota.
- Barya o pera para sa pamimigay – Ito ay maaaring ikonsidera bilang vote buying at may kaukulang parusa.
- Matitinik na pananamit o bastos na salita – Panatilihin ang kaayusan at respeto sa lugar ng botohan.
Marapat na tandaan na ang araw ng halalan ay hindi lamang tungkulin isang tungkulin bagkus ito ay isang pribilehiyo. At sa bawat pagpili mo sa balota, ay may kapalit itong pag-asa. Kaya’t gamitin ito nang buong ingat, dangal, at pagmamalasakit. Protektahan mo ang iyong boto, dahil parte ang bilang mo sa kinabukasan ng bansang ito.

Comments
Post a Comment