Integridad at Prinsipyo — Mahalagang Taglay sa Pagboto


Sa bawat halalan, ang boto ng isang mamamayang Pilipino ay hindi lamang simpleng pagpili sa pangalan sa balota—ito ay pagpapahayag ng kanyang pananaw, adhikain, at pag-asa para sa kinabukasan. Kaya naman, mahalagang taglayin ng bawat botante ang dalawang haliging moral na gabay sa pagpili ng pinuno: integridad at prinsipyo.

Ano ang ibig sabihin ng integridad at prinsipyo?

Ang integridad ay ang pagiging tapat sa salita at gawa. Isa itong katangian ng isang tao na hindi basta-basta natitinag ng tukso, impluwensiya, o pansariling interes. Ang taong may integridad ay hindi bumoboto base sa kapalit, kundi base sa konsensiya at katotohanan.

Samantala, ang prinsipyo ay ang paninindigan sa tama. Ito ang pundasyong moral na ginagamit natin sa bawat desisyong ginagawa — kung ano ang makatarungan, makatao, at makabayan. Ang prinsipyo ang nagsisilbing gabay ng isang tao kung paano mamuhay at makisangkot sa lipunan.

Bakit mahalaga ang integridad at prinsipyo ng isang Pilipino sa darating na botohan?

Sa gitna ng mga pangakong matamis, politikal na drama, at minsan ay panlilinlang, ang integridad at prinsipyo ang magsisilbing panangga ng botante laban sa maling pagpili. Kung may integridad ang isang Pilipino, hindi siya magpapadala sa suhol o paninira. Kung may prinsipyo siya, pipiliin niya ang kandidatong may malinaw na plataporma, malinis na rekord, at tunay na malasakit sa bayan ; hindi nakabase sa kasikatan, sa yaman, o matatamis na pangako.

Sa pagboto, hindi lang sarili ang iniisip kundi ang kinabukasan ng buong bayan. Kaya’t bawat boto ay responsibilidad. At sa bawat responsibilidad, kailangang kaakibat ang integridad at prinsipyo.

Paano mapananatili ang integridad at prinsipyo sa panahon ng eleksyon?

1. Magsaliksik at alamin ang plataporma at track record ng mga kandidato.

  • Huwag bumoto base lamang sa popularidad. Alamin kung may konkretong nagawa ba sila sa bayan, at kung tugma ba ang kanilang adbokasiya sa pangangailangan ng mamamayan.

2. Iwasan ang vote buying at anumang uri ng suhol.

  • Ang pagtanggap ng pera o regalo kapalit ng boto ay paglalako ng dangal. Tandaan: ang dignidad ng boto ay hindi nasusukat sa halaga ng sobre.

3. Huwag magpakalat o maniwala agad sa fake news.

  • Panatilihin ang integridad sa pagbabahagi ng impormasyon—magsaliksik, mag-fact check, at maging mapanuri.

4. Makilahok sa mapayapang talakayan tungkol sa eleksyon.

  • Hindi kailangang mag-away dahil sa magkakaibang pananaw. Gamitin ang diskusyon upang palalimin ang pag-unawa at maipahayag nang maayos ang paninindigan.

5. Iwasan ang blind loyalty o pagkapit sa “fan mentality.”

  • Hindi sapat na bumoto dahil “kilala” o “idol” ang isang kandidato. Piliin ang may tunay na kakayahan, malasakit, at integridad.

6. Isabuhay ang paninindigan kahit sa gitna ng presyur.

  • Kung ikaw ay pinipilit, nililigawan, o tinutukso na bumoto sa hindi mo gusto, panindigan ang paniniwala. Ang boto mo ay boto ng iyong prinsipyo.

7. Maging huwaran sa iba.

  • Magsimula sa sarili ang pagbabagong hinahangad. Sa tapat na pagboto mo, maaaring may isa pang Pilipinong mamulat at sumunod sa halimbawa mo.

Sa darating na halalan, ikaw ba’y boboto base sa ganda ng posters, dami ng tarpulin, o kakayahan nilang mangako? Marahil naman ay pipili ka ba base sa tunay na puso para sa bayan, linaw ng adbokasiya, at likas na kabutihan?

Comments

Popular posts from this blog

Pangalan o Prinsipyo: Isang Mapaghamong Pagpili

Kahalagahan ng Pagboto ng Tamang "Partylist Representative" Ngayong Halalan

Bumoto nang Matalino, Pumili nang Matalino