Halaga ng Plataporma Pagdating sa Eleksyon
Tuwing panahon ng halalan sa Pilipinas, tila paligsahan ng matatamis na salita at magagarang ads ang nagiging labanan ng mga kandidato. Marami ang nangangako ng libreng serbisyo, ayuda, pabahay, at iba pa. Ngunit,sa dami ng salitang binitiwan, alin nga ba ang may saysay sa dulo?
Pangako vs. Plataporma
Pangako ay tumutukoy sa mga pahayag na madalas maririnig sa kampanya na karaniwang ay pawang “pakulo” upang makuha ang simpatiya ng masa. Ngunit kadalasan, ito’y kulang sa detalye. Detalye kung paano ito ipatutupad? Detalye kung ay pondo ba? Detalye kung may batas ba itong sandigan?
Samantalang, ang plataporma ay isang malinaw, detalyado, at pangmatagalang plano ng isang kandidato. Hindi lang ito nakatuon sa isang isyu kundi sumasaklaw sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan, trabaho, at marami pang aspeto ng pamahalaan.
Kahalagahan ng Plataporma sa Konteksto ng Pilipinas
1. Iwas sa ‘Personality Politics’
- Sa ating bansa, uso ang pagboto base sa kasikatan —— mga artista, vlogger, o maging anak ng dating politiko. Ngunit ang pag-alam sa plataporma ang nagsisilbing panimbang: may laman ba ang kanilang kandidatura o puro pangalan lang?
2. Pagtatama sa Kulturang “Pwede Na Yan”
- Ang plataporma ay nagbibigay-diin sa kalidad ng pamumuno. Kung alam ng botante kung ano ang plano ng kandidato, mas mataas ang pamantayang itinatakda sa mga nais maluklok sa puwesto.
3. Pagpapakita ng Kakayahan at Seriyosong Layunin
- Ang kandidatong may malinaw na plataporma ay nagpapakitang inaral niya ang mga problema ng bansa at handang tumugon dito sa pamamagitan ng maayos na plano at hindi lang sa salita kundi sa gawa.
4. Pamantayan sa Pagsusuri at Pananagutan
- Sa halip na maghintay ng “milagro” pagkatapos ng halalan, ang plataporma ang nagsisilbing sukatan: natupad ba ang kanilang mga layunin? Naging totoo ba sila sa ipinangako nilang direksyon ng pamahalaan?
Paano Malalaman ang Plataporma?
- Basahin ang opisyal na website o social media ng kandidato
- Tingnan kung meron silang detalyadong plano para sa edukasyon, kalusugan, ekonomiya, at iba pa.
- Manood ng mga debate at forum
- Doon masusubok kung gaano nila kabisado ang mga isyung kinahaharap ng bansa.
- Iwasan ang mga kampanya na pawang drama at katatawanan lamang pero kulang sa datos
- Hindi sapat ang emosyon. Ang kailangan ay solusyon.
Hindi dapat basta-basta ang pagboto. Sa isang bansang may samu’t saring isyu mula sa kahirapan, kakulangan sa serbisyo, hanggang korapsyon, mahalagang bumoto batay sa plataporma, hindi sa pangako. Ngayong panahon ng kampanya, mahalaga na huwag tayong mahulog sa matatamis na salita. Bagkus, ay hanapin ang may malinaw, detalyado, at makatotohanang plano para sa bansa.
.jpeg)
Comments
Post a Comment