Bumoto Ako at Hindi Ako Nagsisisi


Lumabas ako ng presinto na may tinta sa daliri—simpleng marka, pero sinisimbolo nito ng aking pagmamahal at paninindigan sa Inang Bayan. Tahimik akong ngumiti habang naglalakad palabas ng presinto. Hindi dahil sigurado akong mananalo ang mga ibinoto ko, kundi dahil alam kong ginawa ko ang tama at nararapat. Bumoto ako nang may malinis na konsensya. Hindi ako nadala sa sayaw, sa jingle, o sa pangakong walang laman. Kinilala ko, kinilatis, at inalam ko ang bawat plataporma. Tinimbang ko kung makatutulong ba sila o makasasama, kung may nagawa ba o wala. Hindi ko pinili ang madaling paraan, kundi ang magmasid at mag-isip ng mas malalim. Alam ko na sa bawat hakbang, hindi lang ang mga salita ang dapat pakinggan, kundi ang mga konkretong aksyon at mga resulta.

Bumoto ako para sa kinabukasan, hindi lamang para sa aking sarili kundi para rin sa kanila.

Ang boto ko ay para
sa mga kabataang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral,
sa mga magsasakang inagawan ng lupa na pamana pa ng kanilang ninuno,
sa mga kababaihang niyuyurakan at inaabuso ang pagkatao,
sa mga komyuter na araw-araw ay nahihirapan sa kakulangan ng maayos na sistema,
sa mga mamamayang walang akses sa gamot at namamatay na lamang nang hindi naaalagaan, 
sa mga aktibistang pinipigilan, ikinukulong, at ipinapapatay sa paninindigan sa tama,
at sa mga manggagawang hindi sapat ang sahod para makamit ang mataas na kalidad ng pamumuhay.

Ngayon, tapos na ang parte ko—ang bumoto. Pero ang pag-asa, nagsisimula pa lang. Umaasa ako sa isang gobyernong hindi na pinamumunuan ng iisang apelyido. Umaasa akong maririnig ang boses ng taong matagal nang kinakalaban ng sistema. 

Umaasa ako na ngayong mataas na pursyento ng mga botante ngayong halalan ay kabataan ay hindi lang nag-selfie sa linya o nag story ng daliring may tinta kundi tunay na tumaya para sa bayan.

At kung sakaling manalo pa rin ang mga hindi karapat-dapat, hindi ito wakas. Panimula lang ito ng mas matinding laban para sa katotohanan, para sa kabutihan, para sa bayan.
Hindi ako tahimik. Hindi ako bulag. Hindi ako bingi.

Bumoto ako. At hindi ako nagsisisi.


Comments

Popular posts from this blog

Pangalan o Prinsipyo: Isang Mapaghamong Pagpili

Kahalagahan ng Pagboto ng Tamang "Partylist Representative" Ngayong Halalan

Bumoto nang Matalino, Pumili nang Matalino